Dahil anak ka ng aking mga dasal

 

Haplos sa hapdi o harot
Ng paghinto ng ikot
Ng maugong
Na mundo.
Sa sandaling bumalik
Ang mga imaheng
Nakabuka ang mga palad,
Dumadalaw ang pag-aalala
Para sa bukas na naiinip.

Ikaw, anak ang nag-iisang
Lupa na patuloy
Kong itinatago
Pinipigil ang mga pagdausdaos
Sa bangin ng aking pisngi.
Dahil sa iyong pagtalon
Mula sa aking kumukurap
Na mga mata,
Matutuyo ka na
Tulad ng buhangin.

Kung ganoon,
Ito na nga marahil ang kahulugan
Ng habang buhay;
Ang pakinggan ang iyong
Paghinga
At isabay ang
Paghimas sa iyong ulo
Sa pintig ng iyong murang puso.
Ang kabisahin ang mga kurbada’t
Palusong ng iyong bubot na balat,
At bantayan ang iyong mga panaginip na
Di pa makaunat.

Ngayong gabi,
Iipunin ko ang mga tamatagas
Na panalangin ng
Isang ama.

spread the love